Thursday, November 21, 2024
NEWS

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”

Isa sa mga di malilimutang kataga na binitawan ng ating namayapang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Hindi niya lamang ipinaglaban ang bansa sa mga mananakop kundi pati na rin ang kinabukasan ng bagong henerasyon ng kabataang Pilipino.

Siya ay isang bayani, doktor, at dakilang manunulat ng makasaysayang nobela na Noli Me tangere at El Filibusterismo. Ang kaniyang pagiging batikang manunulat ang naging sandata sa pagpapalaganap ng pakikibaka sa bayan.

Kaya hanggang sa kasalukuyan, ginugunita pa rin ng mga Pilipino ang araw ng pagbibigay pugay sa lahat ng kaniyang naiambag sa pagkamit ng tunay na kalayaan at tagumpay tuwing ika-30 ng Disyembre bawat taon. Patuloy na tinatangkilik ng sangkatauhan ang mga akda ni Jose Rizal bilang paraan ng pagpapalaganap ng kaalaman at impormasyon tungkol sa kaniyang kabayanihan lalo na sa mga darating pang henerasyon.

Hanggang sa panahon ngayon, napapakinabangan at napagkukunan ng aral ng kabataan ang mga salitang binitawan ng bayani at ang kaniyang mga akda.

Ang kaniyang kadakilaan ay sumisimbolo ng ating pagiging Pilipino—-matapang, matatag at matalino. Ito rin ang testamento na may ibang paraan, maliban sa dahas, ang puwedeng gamitin upang makamit ang tunay na kapayapaan.

Kung kaya’t, sa araw na ito, ating bigyang pugay ang bayaning nagbuklod at nagmulat ng mga mata ng Pilipino upang ipaglaban ang ating kasarinlan.

Mabuhay ka, Dr. José Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda!

Written by Jhea Laranjo

Layout by Erica Litang